Hinimok ni House Speaker Martin Romualdez ang mga Pilipino na magkaisa sa pagtatanggol sa bansa laban sa mga nagtatangkang manghimasok sa bansa.
Sa kanyang mensahe ngayong Araw ng Kagitingan, sinabi ni Romualdez na ito ang tamang pagkakataon upang pagnilayan ang naging katapangan ng mga ninuno na ipinaglaban ang kalayaan mula sa pinakamadilim na yugto ng kasaysayan.
Binigyang-diin nito na ang pagprotekta sa soberanya at teritoryo ay hindi lamang isang "historical obligation" kundi nagpapatuloy na responsibilidad na nangangailangan ng pagmamatyag at di matatawarang commitment.
Punto ng House leader, sa panahon na humaharap ang mundo sa geopolitical complexities at territorial disputes ay marapat na manindigan sa pagprotekta sa borders at igiit ang lehitimong pag-aari alinsunod sa international law.
Ang ipinamalas na sakripisyo ng mga sinaunang bayani na nakaranas ng mabibigat na hamon ay patunay aniya ng lakas ng Pilipino.
Dagdag pa ni Romualdez, dapat pagtibayin ang ating soberanya sa kalupaan, karagatan at maging sa himpapawid at huwag hayaang manaig ang pang-aapi ng sinuman.
Samantala, bukod sa territorial integrity ay naniniwala rin si Romualdez na napapanahong kilalanin ang paglaban sa di pagkakapantay-pantay, gutom at kahirapan.