Monday, February 20, 2023

17 MGA PAGSISIKAP NG SECOND CONGRESSIONAL COMMISSION ON EDUCATION (EDCOM 2), INIULAT SA KAPULUNGAN

Nanawagan ngayong Lunes sa isang privilege speech si Baguio City Rep. Mark Go at Chairman ng Komite ng Higher at Technical Education sa Kapulungan ng mga Kinatawan sa bawat Pilipinong nangangarap “to take part in this worthwhile journey of building the kind of education system that should mark the post-pandemic world: one that is accessible, with the best quality, and one that leaves no Filipino student behind,” habang sinisimulan ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang masusing pagsusuri sa sistema ng edukasyon ng bansa bilang paghahanda sa mga pagbabago sa edukasyon. 


Sinabi ni Rep. Go, isang miyembro ng EDCOM II, na ang unang pormal na pagpupulong ng Komisyon ay naganap noong Enero 26, 2023. 


Upang masimulan ang estratehikong pagpaplano para sa pambansang pagsusuri sa edukasyon, ang unang pagpupulong, “was done with various education stakeholders and led by EDCOM II Commissioners and the Advisory Council providing expert advice,” ayon kay Rep. Go. 


Isinulong ni Rep. Go ang pakikipagtulungan sa mga larangan ng: 1) pagrepaso sa mga patakaran at programa na tumutugon sa hindi pagkakatugma ng edukasyon sa trabaho; 2) paggawa ng mas mataas na sistema ng edukasyon na nakaangkla sa komplementaridad sa pagitan ng pampubliko at pribadong institusyon; at 3) paghikayat sa mas maraming kabataan na ituloy ang teacher education degree programs at para ang mga guro ay magtuloy sa graduate degree, kung saan binanggit niya sa pag-aaral ng Philippine Business for Education na ang Pilipinas ay dumaranas ng krisis sa pag-aaral na pinalala ng pandemya. 


Ayon sa kanya, hindi na natutugunan ng kurikula na pang-edukasyon ang mga hinihingi ng mga industriya at negosyo na nagpapatakbo sa pandaigdigang ekonomiya. 


Iginiit ni Rep. Go na ang bawat mag-aaral na Pilipino ay dapat magkaroon ng mga kakayahan na magbibigay-daan sa kanila upang matamo ang kanilang pinakamalalim na adhikain, mapabuti ang kanilang buhay at buhay ng kanilang mga mahal sa buhay, at maging produktibong mamamayan. 


Ang EDCOM II ay nilikha batay sa Republic Act 11899, o ang "Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Act" na naging batas noong 2022. 


Nilalayon nitong pag-aralan ang mga kakulangan sa sektor ng edukasyon, at gumawa ng mga konkretong solusyon na pang lehislasyon para malunasan ang mga ito. 


Ang unang EDCOM ay nilikha noong 1990 at nagsagawa ito ng 11-buwang pagsisiyasat sa sistema ng edukasyon at mga usapin, sa kalaunan ay gumawa ng mga remedyo sa batas para matugunan ang mga ito. 


Pinangunahan ni Deputy Speaker Vincent Franco Frasco ang hybrid na sesyon sa plenaryo. wantta join us? sure, manure...

16 SPEAKER ROMUALDEZ, PINURI ANG PINOY INTERNATIONAL SURFING CHAMP

Pinuri ngayong Lunes ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Filipino ace surfer na si Rogelio “JayR” Esquivel, Jr., sa pagdadala ang karangalan sa bansa matapos siyang magwagi sa men’s longboard surfing competition sa World Surfing League La Union International Pro Longboard Qualifying Series.


Nagkampeon si Esquivel sa paligsahan na idinaos sa Urbiztondo Beach, San Juan, La Union ngayong Enero ng kasalukuyang taon matapos talunin ang kalabang Hapon na si Taka Inoue sa kampeonato.


“With your victory, you have not only brought pride and honor to our country. Your remarkable feat has also shown that Filipinos can compete against the best in the world,” sabi ni Romualdez kay Esquivel, na nag courtesy call kay Speaker ngayong Lunes ng hapon.


“Your skills and talent have propelled you to the top, and your determination and perseverance have set an example for others to follow. Keep up the good work, and may you continue to ride the waves of success,” dagdag ni Romualdez.


Nagpahayag rin ng pagbati si Tingog Party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez, na naroroon rin sa courtesy call, sa Pinoy champion surfer. 


Nakatakdang lumaban muli si Esquivel ngayong taon sa dalawa pang surfing competitions sa Bali, Indonesia, at sa South Korea, upang maging kwalipikado sa WSL World Tour.


Tiniyak ni Speaker kay Esquivel na ang lahat ng mga Miyembro ng Kapulungan ay “very supportive of the sport,” at binanggit na hindi lamang nakakahikayat sa mga kabataan na lumahok sa larangan ng palakasan, kungdi nagbibigay rin sa bansa ng positibong paghahayag sa mga atleta dito at sa ibayong dagat.


Sinabi ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson, isa sa mga nagsama kay Esquivel, na ang surfing ay isang pangunahing pang-akit sa industriya ng turismo sa bansa.


Sinamahan din nina United Philippine Surfing Association (UPSA) UPSA Secretary General Gino Canlas, at Quirino Rep. Midy Cua, si Esquivel sa kanyang pag courtesy call kay Speaker.


Matapos ang tagumpay ni Esquivel, inihain nina Singson at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V ang House Resolution (HR) No. 714 na bumabati sa kanya sa kanyang pagwawagi sa Men’s Longboard Competition in the WSL La Union lnternational Pro surfing.


Isinasaad sa resolusyon na si Esquivel ang kauna-unahang Pilipino na nagwagi sa WSL Men’s Longboard Surfing Competition.


 “…Esquivel indubitably exhibited athletic excellence and exemplified outstanding sportsmanship in the aforementioned competition,” ayon sa resolusyon.


“…This achievement of Esquivel affords great pride and honor to the country as it strives to produce better surfers who will conquer the world’s biggest waves,” dagdag pa sa resolusyon.


Si Esquivel ay isa sa mga kampeon ng surfing sa bansa at 2019 Southeast Asian longboard silver medallist.


Siya rin ang nagtatangan ng talaan sa Philippine Surfing Championship Tour (PCST) at Renextop Asian Surfing Tour (RAST) simula pa noong 2018. wantta join us? sure, manure...

15 IPINAPAKIKITANG KARAHASAN SA MEDIA AT ENTERTAINMENT INDUSTRY, DAHILAN NG TUMATAAS NA KASO NG YOUTH SUICIDE

kath

Umapela si Senior Assistant State Prosecutor Lilian Doris Alejo sa media at entertainment industry na bawasan ang ipinapakitang karahasan sa mga palabas at programa.


Sa gitna ito ng pagtalakay ng House Committee on Welfare of Children sa pagpapatupad ng Philippine Mental Health Law at usapin ng tumataas na kaso ng suicide sa mga kabataan.


Aniya masyado nang nagiging explicit ang pagpapalabas ng mga bayolenteng eksena sa telebisyon at cyberspace at tila ginagawang normal na ang karahasan.


Dagdag pa nito na hindi maaaring idahilan na para ito sa “art” o sining dahil tila hinihimok o ini-incite ang pagiging bayolente sa mga bata.


“Nakakalungkot po. Because when you handle case involving children, you pity the offender, you pity the victim. Pareho who silang nagsa-suffer. Baka naman po pwede nating i-temper. Sasabihin ho, for the sake of art. Pero that’s, kung baga ini-incite natin yung violence inside the children’s feelings.” Saad ni Alejo.


Paalala pa nito  na ang isipan ng mga kabataan ay parang blank o walang laman na vase at nakadepende na sa mga matatanda kung ano-anong bagay ang ipapasok dito.


“Kung makikita niya na ‘Uy ,puro rape cases, okay lang ito kasi nasa TV.’ ‘Uy, Patayan, okay lang kasi nasa internet, nasa TV. So siguro po, we request, invoke, we beg, the movie industry, the media, to please just temper violence and sexual violence in the entertainment industry and the cyberspace.” dagdag ng opisyal.


#wantta join us? sure, manure...

14 PHILHEALTH, UMAAPELA SA KAMARA NG KARAGDAGANG PONDO PARA SA MENTAL HEALTH SERVICES

isa

Umaapela ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa Kongreso ng dagdag na pondo para sa “mental health services” lalo na para sa mga kabataan.


Ito ay sa gitna ng nakitang pagtaas ng kaso ng mga karahasan, insidente at iba pang mental health issues sa hanay ng mga estudyante.


Sa kanyang pagharap sa pagdinig ng House Committee on Welfare of Children --- sinabi ni Dr. Albert Domingo ng Philhealth na para mas mapagbuti ang implementasyon ng Universal Health Care program, ang “primary care” sa mental health services ay dapat na hawakan at bayaran ng Department of Health o DOH sa pamamagitan ng dagdag na budget mula sa Kongreso at gagawing available ng Department of Budget and Management o DBM. Aniya, ito ay hiwalay sa budget para sa insurance premiums.


Kapag nagawa ito, maipatutupad ito ng Philhealth kasama ang “first line mental health care services” sa parehong pribado at pampublikong health care providers.


Ani Domingo, lumabas sa ilang pag-aaral na maraming mental health conditions ng mga nakatatanda ay nagmumula sa pagkabata. At habang tumatanda ay mas mahirap nang gamutin.


Aniya, ang mga kondisyon gaya ng anxiety at depression ay maaaring maiwasan o maibsan sa pamamagitan ng maagang pagtugon, partikular sa kabataan ng pasyente.


Binanggit pa ni Domingo na ang mental health problems ng bata ay maaaring magmula sa paghihirap sa loob mismo ng pamilya o komunidad, kasama na ang mental health problems ng mga magulang, kakulangan ng pagkain at tirahan, at delikadong sitwasyon sa bahay o paaralan.


Ayon kay Domingo, ang Philhealth ay nakikiisa sa DOH at iba pang mental health advocates sa pagsusulong ng mas mabuting “access” ng mga bata sa mental health services/cares.


Sa ngayon, sagot ng Philhealth ang P7,800 para sa pagpapa-ospital ng pasyenteng may dementia, bipolar, schizophrenia, at anxiety. At ginagawa aniya ng Philhealth ang lahat para mapalawak ang benepisyo. wantta join us? sure, manure...

13 PAGTATALAGA NG AIR TRAFFIC CZAR, IPINANUKALA SA KAMARA

milks

Pagtatalaga ng “air traffic czar”, ipinanukala sa Kamara…

… 

Dapat magtalaga ang Malakanyang ng air traffic czar na titiyak na ma-iimplement para ma-decongest ang NAIA kabilang ang relocation ng dagdag pang flights sa Clark International Airport.


Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, ang air traffic czar ang mangangasiwa sa commercial flight activity, tiyakin na nasusunod ang reschedule flights para malutas ang pagsisikip sa NAIA.


Sabi ni Libanan, dapat mahikayat ang mga airline na lumipat sa Clark at pwedeng i-subsidize ng gobyerno ang kanilang gastusin sa relokasyon.


Una rito, ipinanukala na ni Libanan ang paglilipat ng 50-percent ng commercial flight ng NAIA patungo sa Clark bago sumapit ang 2025.


Ito ay para mapaghandaan ang full recovery ng global air travel dahil tiyak ang pagbiyahe ng mas maraming pasahero matapos ang epekto ng pandemya.


Sa ngayon, ang Clark ang host ng 18 airlines na nag-o-operate ng 686 weekly flights sa 14 and 19 domestic destinations. wantta join us? sure, manure...

12 PAGSASABAY SA ELEKSIYON BARANGAY AT SK NG CON-CON O CON-ASS BILANG PAMAMARAAN SA CHA-CHA, ISINUSULONG

isa

Mas makakamura umano kung isasabay sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections ang Constitutional Convention o Con-Con o Constituent Assembly o Con-Ass para sa isinusulong na pag-aymenda sa 1987 Constutition.


Ito ay batay sa “internal calculations” ng National Economic and Development Authority o NEDA.


Sa kanyang pagharap sa public consultation ng House Committee on Constitutional Amendments, sinabi ni Krystal Lyn Tan-Uy na siyang Undersecretary for Legislative Affairs na “open” o bukas ang NEDA sa pag-amyenda sa “economic provisions” ng Saligang Batas.


Pero kung matutuloy ito, inaasahang may “substantial costs” o malaking gastos para sa paraan, na kailangang pag-aralang mabuti lalo’t kagagaling lamang ng bansa sa epekto ng COVID-19 pandemic.


Kaya naman dapat na mabusisi ang internal calculations para sa gastos kung Con-Con o Con-Ass ang gagawin, o kung maaaring gamitin na lamang ang pondo para sa mga proyekto, o legislative agendas.


Nang usisain naman ni House Minority Leader Marcelino Libanan ukol sa gastos --- sinabi ni Uy na batay sa “internal estimated cost” para sa Con-Con ay nasa P28 billion kung hiwalay na “national election” at plebesito ang gagawin; habang P331 million naman kung isasabay sa darating na Barangay at SK Elections.


Sakaling hiwalay na national plebiscite para sa Con-Ass ang idaraos, ang gastos at P13.8 billion, ngunit nasa P30 million lamang kung isasabay sa Barangay at SK polls. wantta join us? sure, manure...

11 RESOLUSYONG NANAWAGAN NG CONCON BILANG PAMAMARAAN SA CHA-CHA

isa

Inaprubahan ng House Committtee on Constitutional Amendments ang committee report ng Resolution of Both Houses, na nananawagan ng Constitutional Convention o Con-Con para sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.


Sa botong 16-pabor; 3-tutol; at 1-abstain --- aprubado na ang committee report “as amended.”


Nag-abstain si House Senior Deputy Minority Leader Paul Daza, na nagsabing mas gusto niya ang Constituent Assembly o Con-Ass para sa Charter Change o Cha-Cha.


Ang Makabayan Bloc solons na sina Rep. France Castro, Arlene Brosas at Raoul Manuel, “no” ang boto.


Matatandaan na umabot ng 7 ang isinagawang public consultations ng komite, para sa panukalang Cha-Cha.


Itinuloy ang mga ito, sa kabila ng naging pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya prayoridad ang Cha-Cha. wantta join us? sure, manure...

10 PANUKALANG BATAS NA MAGBIBIGAY NG VAT REFUND SA MGA TURISTA, INAPRUBAHAN NG KOMITE

Inaprubahan ngayong Lunes ng Komite ng Ways and Means sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang wala pang bilang na substitute bill sa House Bill 7143, na lilikha ng mekanismo kung saan maaaring ma-refund ng mga hindi residenteng turista ang kanilang value-added tax (VAT). 


Binigyang-diin ni Rep. Salceda na ang panukala ay matagal ng atrasado, at pinunto na ang Pilipinas ay ang bukod tanging bansa sa Asya na walang sistema ng VAT refund sa turista. 


Inaasahan niya na tataas ng 30-porsiyento ang mga lokal na bentahan sa mga turista kapag ang panukala ay naisabatas. Nakita ni Senior Vice Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing, isa ring may-akda at pinuno ng technical working group sa HB 7143, na ang insentibo para sa mga turista katulad ng iminumungkahi sa panukalang batas ay makakatulong sa pagpapasigla ng turismo at kalakalan ng bansa, at magtatalaga sa bansa na higit na makakakumpitensya at magpapalakas sa kakayahang kumita ng mga lokal na negosyo. 


Ang iba pang may-akda ng panukala ay sina Agusan del Sur Rep. Alfelito Bascug, at United Senior Citizens Rep. Milagros Aquino-Magsaysay. 


Tinantya ni Rep. Suansing na ang paggasta ng turista ay tataas mula P10.6 bilyon hanggang P42.3 bilyon sa loob ng isang taon pagkatapos maisabatas at maipatupad ang panukalang batas. 


Ang panukalang batas, na naamyendahan na, ay magbibigay ng karapatan sa mga turista sa VAT refund sa kalakal na kanilang binayaran na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P3,000 bawat transaksyon mula sa mga akreditadong retailer. 


Inilalarawan nito ang isang turista bilang "isang dayuhang may hawak ng pasaporte, indibidwal na hindi residente ng bansa at hindi nakikibahagi sa kalakalan o negosyo sa Pilipinas." 


Ang ilan pang mga panukala na inaprubahan din sa antas ng Komite ay 1) ang wala pang bilang na substitute bill sa HB 7135, na nagtatakda ng mga pamantayan para sa pagkokontrata ng Official Development Assistance (ODA), at 2) ang probisyon ng buwis sa wala pang bilang na substitute bill sa HB 3136, kasama ng mga HBs 3303, 4496 at 5677, na pinagtitibay ang pinagsama-samang pamamahala sa baybayin bilang isang pambansang istratehiya para sa buo at pangmatagalang pamamahala ng mga baybayin at kaugnay na ecosystem at ang mga mapagkukunan doon mula sa ridge-to-reef, at pagtatatag ng National Coastal Greenbelt Action Plan, iba pang mga sumusuportang mekanismo para sa implementasyon. wantta join us? sure, manure...

9 RESOLUSYON NG BOTH HOUSES NA NANANAWAGAN NG CONSTITUTIONAL CONVENTION PARA AMYENDAHAN ANG SALIGANG BATAS, APRUBADO


Sa pamamagitan ng 16 na pabor na boto, tatlong kontra, at isang abstensyon, inaprubahan ngayong Lunes ng hapon ng Komite ng Constitutional Amendments sa Kapulungan ng mga Kinatawan, ang Ulat ng Komite sa wala pang bilang na Resolution of Both Houses (RBH) na nagpapahayag ng kaisahan ng Kapulungan ng mga Kinatawan na nananawagan para sa isang Constitutional Convention, na magpapanukala ng pag-amyenda sa 1987 Saligang Batas. Ipinaliwanag ni Committee Chair at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na ang nasabing RBH ay ang kapangyarihan ng bumubuo ng panawagan para sa isang kumbensyon na nangangailangan ng dalawang-katlong mga boto ng lahat ng kasapi nito, ayon sa nakasaad sa ilalim ng Section 3, Article XVII, ng 1987 Saligang Batas. 


Gayunpaman, sinuspinde ng Komite ang deliberasyon sa ulat ng Komite sa wala pang bilang na House bill para ipatupad ang nasabing RBH. 


“It is the accompanying bill which will also have constituent power that will provide for qualifications, the budget, and other powers that will be given,” ani Rep. Rodriguez.  


Sinuportahan ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Puno ang hakbang, at sinabi na hindi lamang dapat amyendahan ang 1987 Saligang Batas, kundi ay dapat ding rebisahin upang matugunan ang mga kasalukuyang pangangailangan at kailangananin, “The world in the last decades of the 20th century is a totally different world in the opening decade of the 21st century. The geopolitical situation in the world has undergone radical transformation. The balance of political and economic power in this planet has changed. The digital revolution is redefining our way of life, including the text and texture of our fundamental rights to life, liberty, and property.” 


Iminungkahi niya na ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay gawin sa pamamagitan ng hybrid form ng constitutional convention kung saan ang mga delegado ay pipiliin sa pamamagitan ng halalan at paghirang. 


Inihain din ng mga dalubhasa na kumakatawan sa ligal, negosyo, pribadong sektor at ahensya ng pamahalaan ang kanilang mga posisyon. 


Kapwa pinamunuan nina Komite ng Constitutional Amendments Vice Chair at Iloilo Rep. Lorenz Defensor at Vice Chair at Zamboanga del Sur Rep. Divine Yu ang pagdinig. wantta join us? sure, manure...

8 PANAWAGAN PARA SA PAGPAPATUPAD NG BATAS PARA SA KALUSUGAN NG PAG-IISIP, TINALAKAY NG KOMITE

Nanawagan ngayong Lunes ang Komite ng Welfare of Children sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co, sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na talakayin ang pagpapatupad ng Republic Act 11036, na kilala rin bilang "Mental Health Act," upang itaas ang kamalayan sa tumataas na bilang ng mga kaso ng nagpapakamatay na mga bata at mga pagtatangka sa nakalipas na limang taon. 


Ayon kay Rep. Co, ang panawagan ay hindi lamang para pag-aralan ang kapakanan at kalusugan sa isip ng mga batang Pilipino, kungdi tukuyin din ang mga kakulangan sa pambansang istratehiya at mental health initiatives ng bansa. 


Iniharap ni Department of Social Welfare and Development - Council for the Welfare of Children (DSWD-CWC) Undersecretary Angelo Tapales ang epekto ng pandemya sa kalusugang pangkaisipan ng mga batang Pilipino. 


Aniya sa pagsisimula ng epidemya, ang mga tawag tungkol sa pagkabalisa at kalungkutan ang siyang nangibabaw sa hotline ng National Center for Mental Health (NCMH). 


Noong Enero 2021, mayroong 308 na tawag na nauugnay sa pagpapatiwakal, mula sa 33 na tawag sa parehong buwan noong nakaraang taon. Kahit na may batas sa kalusugan ng isip at higit na kamalayan sa usapin, ayon kay Tapales, may mga hamon pa rin na kailangang lutasin, kabilang ang kakulangan ng mga pasilidad at psychiatric specialist, restricted access para sa mga bata sa malalayong lugar, at hindi sapat na child-centered therapies, “We are in the right direction but we need to do more." 


Sinabi din sa Komite nina Department of Health (DOH) Director Dr Nikka Hao M.D. at Department of Education (DepEd) Director Atty. Suzette Medina ang iba't ibang interbensyon at serbisyo ng kanilang ahensya upang suportahan ang kapakanan at kalusugan ng isip ng mga bata at kabataan. 


Ikinalungkot ng mga mambabatas ang mga magkakahiwalay na programa at serbisyo para itaguyod ang kagalingan at kalusugan ng isip ng mga bata at kabataan. 


Sina Reps. Arlene Brosas ng GABRIELA Party-list at Stella Luz Quimbo ng Marikina City ay parehong kinuwestiyon ang iba't ibang hotline na pinapatakbo ng mga organisasyong nagbibigay ng pangangalaga sa kalusugan ng isip. 


“Ang problema, parang fragmented ang efforts ng mga agencies. And nakakalungkot 'yon because it is very clear in the law that the government's plan needs to have three features. One, it has to be rational. Two, it has to be unified and three, it has to be integrated,” ani Quimbo. 


Umaasa si Pasig City Rep. Roman Romulo, ang chairperson ng Komite ng Basic Education, na ang House Bill 3691 o ang "Basic Education Mental Health and Well-being Promotion Act" ay tuluyan nang maisabatas, upang makatulong sa pagtugon sa problema. 


Ang panukalang batas ay naipasa na sa Ikatlo at Huling Pagbasa sa Kapulungan at hinihintay ang panukalang bersyon ng Senado. "(In) This Congress and the last Congress, we have passed the relevant laws. So kailangan lang iyong mga ahensya natin ay tumulong na. They have to get their acts together, sayang e. Because it also will involve the LGUs, 'yong inclusive education," aniya. Si Rep. Samuel Verzosa Jr., ng TUTOK TO WIN Party list at vice chair ng Komite, ay hinikayat ang mga paaralan na maging mas proactive sa pagbabago ng kapaligiran at pagsubaybay sa mga kalagayan ng mga mag-aaral. wantta join us? sure, manure...

7 MGA PANUKALANG JUDICIAL REFORM, IPAPRAYORIDAD NG KAMARA

milks


Mga judicial reform measures isusulong sa Kamara para mabilis na matamo ang justice system sa bansa…

Plano ng Kamara na agad na mapagtibay ang ilang judicial reform bills para mabilis na matamo at umusad ang hustisya sa bansa.


Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, committed ang Kamara at Senado na magtulungan para mareporma ang justice system sa bansa.


Sabi ni Romualdez, isa sa planong amyendahan ng Kamara ang Revised Penal Code na naipasa ng Kongreso noon pang 1930 o siyamnapu’t dalawang taon na ang nakalilipas.


Paliwanag ni Romualdez, dapat ma-update ang naturang batas dahil hindi na nito saklaw ang mga krimen epekto ng paggamit ng modern technology at internet gaya ng cybercrime at transnational crime.


Bukod dito, sinabi ni Romualdez na dapat marepaso na ang pagkakaloob ng hazard pay sa mga regional trial court judges at prosecutors.


Kasama rin anya sa judicial reform measures ang pagbuo ng Criminal Justice Reform Commission na mag-iimbestiga at maiwasan ang paggawad ng maling hatol at pagmultahin ang mga sangkot sa unauthorized practice of law.


wantta join us? sure, manure...

x SUNOD-SUNOD NA INSIDENTE NG KARAHASAN SA BARMM, IKINABAHALA NG ISANG SOLON

jopel


Nababahala si Basilan Rep Mujiv Hataman sa  sunod-sunod na insidente ng karahasan na nangyayari sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM areas sa unang dalawang buwan pa lamang nitong taong 2023.


Ginawa niya ang naturang pahayag matapos kondenahin ang nangyaring pag-ambush ng mga di-kilalang armadong grupo kay Lanao Del Sur Gov Mamintal Adiong Jr, na nagresulta sa pagkasawi ng kanyang apat na body guards.


Subali sugatan naman ang gobernador at ang personal aide nito kasunod ng nangyaring pananambang na naganap sa boundary ng Lanao del Sur at Bukidnon.


Ayon kay Hataman, walang takot sa batas at walang paggalang sa buhay ng mga mamamayan ang mga salarin sa nangyaring ambush.


Hindi aniya batid kung bakit nangyayari sa BARMM ang tila napakarami nanamang crime incident.

5 PAGPAPAIGTING NG MANDATORY AIRWORTHINESS INSPECTION SA MGA SADAKYANG-PANGHIMPAPAWID, IMINUNGKAHI

isa


Dapat paigtingin ang “mandatory airworthiness inspections” sa hindi lamang sa mga Cessna plane kundi sa lahat ng mga sasakyang-panghimpapawid.


Ito ang iginiit ni Albay Rep. Joey Salceda, kasunod ng pagbagsak ng isang Cessna plane na mula Bicol International Airport o BIA, patungong Maynila noong Sabado, Feb. 18.


Maalala rin na mayroong isang Cessna plane na una nang nawala, sa Isabela noong Enero.


Ayon sa kongresista, nakadepende sa Civil Aeronautics Board o CAB at Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP kung ipahihinto na ba o tuloy pa rin ang operasyon ng Cessna planes.


Ngunit sa ngayon, sinabi ni Salceda na kailangan ng mahigpit na inspeksyon at “maintenance” lalo na para sa mga aircraft na may katandaan na.


Maliban dito, isa pang nakikitang anggulo ni Salceda ay kung “updated” ba o kaya’y mabilis ang “tracking and navigation systems” ng ating bansa.


Ani Salceda, ang Pilipinas ay hindi naman kalakihang bansa ngunit pahirapan ang paghahanap kapag may nawawalang eroplano o katulad.


Tiniyak naman ni Salceda na makikipag-tulungan siya kay Transportation Sec. Jaime Bautista, upang matukoy ang mga posibleng “safety issues” sa mga air transportation infrastructure, at masilip ang sistema.


wantta join us? sure, manure...

4 PAGTATALAGA NG ISANG AIR TRAFFI CZAR, INIREKOMENDA SA KAMARA

isa


Inirekumenda ni House Minority Leader Marcelino Libanan kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng isang “air traffic czar” upang mapagbuti ang sitwasyon at serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.


Paliwanag ni Libanan, inaasahan na lalo pang dadami ang biyahe ng mga eroplano dahil sa pagbubukas na ng ekonomiya, na nauna nang nasapol na ng COVID-19 pandemic.


Gayunman, may mga naitatalang aberya o problema --- gaya ng mga “flight delay” sa NAIA o kanselasyon, kaya napeperwisyo ang mga pasahero.


Kung mayroon aniyang air traffic czar, siya ang tututok sa “roll-out” o pagpapatupad ng mga hakbang upang ma-decongest ang NAIA, kasama na ang relokasyon ng mas maraming flights sa Clark International Airport o CIA.


Naniniwala si Libanan na ito ay isa sa mga paraan para maresolba ang siksikan sa NAIA at ma-improve ang “travel experience” ng mga biyahero.


Ayon sa lider ng Minorya ng Kamara, maaaring i-subsidize ng pamahalaan ang ilang “relocation costs” upang ma-engganyo ang mga airline na ilipat ang ilan sa kanilang flights sa Clark.


Kung uubra aniya, mailipat ang hanggang 50% ng commercial flights ng NAIA sa Clark sa taong 2025, o panahong inaasahan ang “full recovery” sa global air travel mula sa epekto ng pandemya.


Sa ngayon, ang Clark ay ginagamit na ng 18 airlines na mayroong 686 na biyahe bawat linggo, at nagseserbisyo para sa 14 international at 19 domestic destinations.

wantta join us? sure, manure...

3 ANG HINDI PAKIKIALAM NI PBBM SA CHA-CHA, NILINAW SA KAMARA

kath


Nilinaw ni San Jose Del Monte Rep Rida Robes na hindi nakiki alam si Pang. Bongbong Marcos sa hakbang ng House of Representatives sa pagsusulong na amyendahan ang 1987 constitution.


Sinabi ni Robes ang hakbang ngayon ng Kamara ay inisyatiba ng mababang kapulungan dahil naniniwala silang mga mambabatas na panahon na baguhin ang ilang probisyon ng 1987 constitution dahil hindi na ito angkop sa kasalukuyang sitwasyon.


Ayon kay Congresswoman Robes ang isinusulong ng Kamara ay economic reforms at hindi term extension ng mga pulitiko.


Siniguro ng mambabatas na may mga safeguards silang ipatutupad para mapawi ang reservations ng publiko.


Sa isinagawang public consultation on constitutional reforms sa San Jose Del Monte Bulacan nasa mahigit 700 individuals mula sa ibat ibang sektor ang dumalo at ipinahayag ang kanilang saloobin.


wantta join us? sure, manure...

3 MALAMIG PA RIN NA TUGON NG PUBLIKO TUNGKOL SA ISINUSULONG NA CHA-CHA, INAMIN NG MGA MAMBABATAS

kath


Aminado si Nueva Ecija Representative Ria Vergara na malamig pa rin ang tugon ng ating mga kababayan sa isinusulong na panukala ng Kamara na amyendahan ang 1987 Constitution.


Sa isinagawang ika apat na regional public consultation sa San Jose Del Monte Bulacan sinabi ni Congresswoman Vergara may reservation pa rin ang publiko.


Gayunpaman sinabi nito na kailangan nila mapakinggan ang pulso ng tao mula sa ibat ibang sektor ng gobyerno.


Ayon sa mambabatas ang isa sa dahilan kung bakit malamig ang publiko sa Cha Cha ay dahil sa term extension ng mga pulitiko.


Ang isinusulong na amyenda sa ilang probisyon ng 1987 constitution ay economic reforms maging bukas ang ating bansa sa foreign direct investments na isa sa mga hadlang kung bakit walang namumuhunan na banyaga.


Layon ng cha cha na mapalago pa ang ekonomiya ng bansa.


Samantala, nilinaw ni San Jose Del Monte Rep Rida Robes na hindi nakikialam si Pang Bongbong Marcos sa hakbang ng House of Representatives sa pagsusulong na amyendahan ang 1987 Constitution.


Sinabi ni Robes ang hakbang ngayon ng Kamara ay inisyatiba ng mababang kapulungan dahil naniniwala silang mga mambabatas na panahon na baguhin ang ilang probisyon ng 1987 constitution dahil hindi na ito angkop sa kasalukuyang sitwasyon.


Ayon kay Congresswoman Robes ang isinusulong ng Kamara ay economic reforms at hindi term extension ng mga pulitiko.


Siniguro ng mambabatas na may mga safeguards silang ipatutupad para mapawi ang reservations ng publiko.


Sa isinagawang public consultation on constitutional reforms sa San Jose Del Monte Bulacan nasa mahigit 700 individuals mula sa ibat ibang sektor ang dumalo at ipinahayag ang kanilang saloobin.


wantta join us? sure, manure...