PAGDINIG TUNGKOL SA MALAWAKANG OIL SPILL SA ORIENTAL MINDORO, IDARAOS NG DALAWANG KOMITE SA KAMARA
Magsasagawa ng sanib-pwersang imbestigasyon ang House Committees on Ecology at Natural Resources ukol sa malawakang oil spill sa Oriental Mindoro, bunsod ng paglubog ng MT Princess Empress.
Idaraos ang hybrid na pagdinig ngayong umaga batay sa abiso ng mga komite.
Sina Cavite Rep. Elipido Barzaga (chairman ng Natural Resources panel ng Kamara) at Biñan City Rep. Marlyn Alonte (chairman ng Ecology committee).
Nauna nang inihain ni Barzaga ang House Resolution 829; habang House Resolution 835 naman ang isinulong ni Oriental Mindoro Rep. Alfonso Umali Jr. para ipasiyasat sa Kamara ang Mindoro oil spill na naka-apekto hindi lamang sa karagatan, kundi pati sa kabuhayan, turismo, kalusugan at iba pang sektor sa lalawigan at iba pang kalapit na lugar.
Ayon sa mga mambabatas, dapat na matumbok ang mga naging paglabag ng motor tanker, mabayaran ng tamang danyos ang mga apektado, at matukoy ang mga paraan upang hindi na mauulit ang ganitong insidente.
Lumubog ang MT Princess Empress sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro noong Pebrero 28, 2023.
Naging puspusan ang oil spill operation ng Philippine Coast Guard, iba pang kaukulang ahensya, mga lokal na pamahalaan at volunteers.